Tuesday, March 10, 2009

PANUNURING PANTEATRO

KABUGAN
Ang Kabugan ay isang pagtatanghal ng Teatro Tomasino. Hango sa depinisyon nito, ang produksyon ng Teatro Tomasino ay binubuo ng dalawang maikling pagtatanghal na "magtatalbugan". Ang dalawang maikling pagtatanghal na ito ay ang "Kulay Rosas ang Dapit-Hapon Minsan sa Isang Taon" at "Anino".

Sa unang dula, "Kulay Rosas ang Dapit-Hapon Minsan sa Isang Taon", nagkatagpo si Babae at si Lalaki sa isang zoo habang pinapakain ni Babae ang mga ibon at hiningi naman ni Lalaki ang natitirang pagkain ni Babae. Nagdahilan siya na selosa ang kanyang asawa kaya't kinukuha nito ang kanyang pera ngunit hindi naniniwala si Babae. Natuwa si Babae sa atensyong ibinibigay ni Lalaki kaya't regular na silang nagkikita sa zoo. Unti-unting nahuhulog ang loob ni Babae kay Lalaki kaya't naiinis siya sa tuwing iniiwasan ni Lalaki na pag-usapan nila ang estado ng kanilang relasyon at hindi rin lubos na mapaniwalaan ni Babae na may asawa na si Lalaki. Hindi nagtagal ay naniwala din si Babae na may asawa na si Lalaki nang makita niya ang asawa ni Lalaki sa zoo at nahuli silang magkasama. Sa sobrang selos ng asawa ni Lalaki ay napatay niya sina Babae at Lalaki.

Sa ikalawang dula, "Anino", sina Luna at Maryo ang mga pangunahing tauhan. Si Luna ay isang matandang dalaga na napangasawa ang ama ni Maryo. Nagkaroon sila ng sekretong relasyon at hindi nagtagal ay nagbubga din ito. Para sa asawa ni Luna, isa itong himala ngunit napagtanto din nito na hindi siya ang ama ng dinadala ni Luna. Umamin si Maryo sa ama na siya ang ama ng dinadala ni Luna, inatake ang ama ni Maryo sa puso ngunit pinainom niya ito ng lason upang tuluyan ng mawalan ng buhay. Itinago ni Maryo ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng ama na nagbunga naman ng pagkalaglag ng dinadala ni Luna at ang walang tigil na paghahanap ni Lunya sa katotohanan. Ang kasalan ng dalawa ay nagdulot ng kamalasan sa kani-kanilang mga buhay. Nang malaman ni Luna ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng kanyang asawa, pinatay niya si Maryo.

Para unanga parte ng pagtatanghal, masyadong mababa ang kwento at kulang sa mensahe. May isang probinsyana na natuwa sa atensyon ng isang lalaki na may asawa at nang nahuli ng asawa ay pinatay silang dalawa. Masyadong malabo ang nais iparating ng kwento. Ang paglabas at pagpasok ng mga extra ay nakakagulo lang sa dula. Dahil kung sa zoo man ang setting, dapat tuloy-tuloy at madami ang mga extra, hindi paisa-isa. Masasabing pinaghandaan ang stage at ang mga props na ginamit. Pati ang costume ng mga artista ay angkop para sa dula. Maayos din naman ang kanilang blocking at lakas at tono ng boses.

Para sa ikalawang dula, hindi hamak naman na mas may laman at mensahe ito kumpara sa nauna. Makikita sa kwento ang hindi kanais-nais na bunga ng isang sekretong kasalanan at ang paghahanap ng katotohanan. Ngunit hindi kaakit-akit ang kwento, masyadong itong seryoso. Maayos nman ang pagganap ng mga artista at maganda ang setting at props.

PANUNURING PAMPELIKULA

PLONING
Dante Nico Garcia


Ang karaniwang pagpokus sa babaeng karakter at sa kulturang Pilipino ay ang kadalasang nagbibigay ng timpla ng pagkabagot sa pelikula ngunit sa pelikulang Ploning, hindi inaasahang ang mga aspetong ito ang nagpaganda at nagbigay ng kakaibing timpla sa pelikula.


Ang Ploning ay isang “indie film” gumawa ng ingay dahil sa pagiging nominado nito para makalahok sa prestihiyosong internasyonal na patimpalak ng mga pelikula na Oscars. Itinatampok ng pelikula ang mga batikang artista tulad nina Judy Ann Santos (Ploning), Mylene Dizon (Celeste), Gina PareƱo (Intang), Eugine Domingo (Juaning), Tony Mabesa (Susing), Ces Quesada (Nieves), Meryl Soriano (Alma), Tessie Tomas (Seling) at madami pang iba kaya’t hindi na nakakapagtaka kung bakit tinaguriang isa pinakamagandang “indie” film and Ploning at nakapag-uwi ng samu’t saring mga parangal mula sa iba’t ibang institusyong pangkritiko ng mga pelikula.


Sa kabuuan, tumatagal ang Ploning ng humigi’t kumulang isa’t kalahating oras ngunit hindi ito naging hadlang para masakripisyo ang astetiko at sinematikong aspeto ng pelikula. Isang elemento na nagpaganda ng pelikula ay ang mahusay na paggamit ng mga baliktanaw na eksena dagdag pa dito ang mahusay na paggawa ng iskript at pagdirek sa mga artista. Halos hindi maiisip ng mga manonood na ang inspirasyon ng pelikula ay isang simpleng awit na tumatalakay sa pagkahiwalay ng dalawang magkasintahan dahil ang isa ay nais pumunta sa malayong lugar.


Ang istorya ng pelikula ay nakasentro sa karakter ni Ploning at sa buhay ng mga Cuyonon. Sa pagpapakilala sa karakter ni Ploning ay unti-unti ding naipapakilala ay iba pang mga karakter sa pelikula. Nagsimula ang pelikula sa paghahanap ni Digo (Cedric Amit) kay Ploning, ang babaeng palagi niyang nababanggit sa kanyang mga panaginip. Si Ploning ay ang tumatayong kaibigan, anak at ina ng karamihan sa pelikula. Mabait ngunit misteryoso ang kang pagkatao dahil hindi niya ipinapahayag ang kanyang mga saloobin at ang palaging ipinagtataka ng mga karakter sa pelikula ay ang kanyang buhay pag-ibig dahil sa kabila ng kanyang ng kanyang ganda, ay patuloy pa din niyang hinihintay ang kanyang kasintahang si Tomas na nagtungong Maynila. Ang pagkawala ni Tomas ay hindi nagging dahilan upang damdamin ni Ploning ang kanyang kapalaran at patuloy niyang ipinagpatuloy ang pakikisalamuha sa kanyang mga kababayan. Siya ng tumatayong ina ni Digo dahil ang tunay niyang inang si Juaning ay nakalatay sa kama dahil sa kapansana, siya din ang tumatayong matalik na kaibigan ni Alma, anak-anakan ni Intang, mabuting anak ni Susing at inspirasyon ni Celeste. Madaming lugar ang pinuntahan ni Digo upang matunton ang buhay na naiwanan noong siya ay naglayas at sa huli’y nakita din ni Digo ang kanyang hinahanap.


Walang ibang masasabi sa pelikulang ito maliban na lang sa mga papuri. Pambungad na eksena pa lang ay magiging interisado na ang mga manonood dahil mapapaisip ka at nanaisin mong malaman kung bakit iyon ang introduksyon ng pelikula. Ang musikang ginamit sa pambungad na eksena ay ang awit na inspirasyon ng pelikula, mahusay ang pagpili nito dahil ito ang awit bayan ng Cuyo at bago sa pandinig kaya’t hindi nakakasawang paulit-ulit na pakinggan. Masasabi din na mahalaga ang mga napiling musika dahil ito ang nagbigay ng katutubo o lokal na timpla ng pelikula. Ang pagiging Pilipino o ang kultural na aspeto ng pelikula ay lalo pang binigyang diin ng pelikula sa pag-“shoot” ng buong pelikula sa Cuyo, Palawan at sa paggamit ng lokal na lenggwahe ng Cuyo bilang dominanteng dayalogo ng pelikula.


Ang mga baliktanaw na eksena ang nagpa-iba sa Ploning dahil sa mahusay na paggamit nito ay hindi nakakabagot panoorin ang pelikula dahil hangga’t hindi ipinapakita ng mga eksenang iyon ay hindi titigil ang mga manonood sa pag-iisip kung ano ba talaga ang nangyari. At dahil nga ang istorya ni Ploning ay tunay na nagyari 25 taon na ang nakalipas, importante ang mga baliktanaw na eksena.


Sa kabuuan, masasabing tunay na maganda ang pelikula dahil makikitang pinag-isipan ang pelikula. Buhay ang astetiko at sinematikong aspeto ng pelikula. Madaming “twist” ang ipinakita sa kwento, tulad ng pagbunyag ng pagkamatay ni Tomas ilang taon na ang nakakaraan at ang pagkamatay ni Ploning bago pa man siya makita ni Digo.

ESTILO

PAKISABI: MAHAL KO SIYA

Edna Diaz
Sinopsis:

Si Jerry ay isang “freelance writer” na di sinasadyang umibig sa kanyang kabarkadang si Nancy. Tinatago niya ang kanyang nararamdaman at di magawang ligawan si Nancy dahil sa kanyang obligasyon sa kanyang mga kapatid at sa dating karanasan sa pag-ibig. Pero nagbago ang kanyang isip nang mabalitaang ikakasal na si Nancy.


Nagsimula ang lahat nang nagkaroon si Jerry at ang kanyang mga kaibigan ng di pagkakaunawan dahil sa pagkakaroon ni Jerry ng mas magandang relasyon sa kanilang editor. Nagsimulang hindi sumama si Jerry sa mga lakad nilang magkakaibigan at nagsimulang sumama sa ibang mag-kakabarkada. Nagsimula siyang sumama sa magkakaibigang sila Nancy, Wilma at Lito. Palagi silang magkakasama tuwing tanghalian, pag-submit ng mga naisulat at pagkuha ng sweldo sa “publication office”.


Hindi agad naramdaman ni Jerry ang pagkagusto kay Nancy, bigla na lang niyang napansin na nahuhulog na pala ang loob niya kay Nancy at napapansin ito ng iba nilang mga kaibigan. Inaasar pa siya ng iba nilang mga kaibigan na torpe dahil hindi niya magawang ligawan si Nancy pero dinadaan na lang niya sa biro at tawanan ang pang-aasar nila Wilma. Isang araw ay nagkita si Wilm at si Jerry sa “publication office” at ibinalita ni Wilma na ikakasal na si Nancy. Nabiigla si Jerry sa ibinalita ni Wilma at habang magkasalo sila sa pagkain ay napaamin ni Wilma si Jerry sa kaniyang nararamdaman para kay Nancy. Ipinasabi pa ni Jerry kay Wilma na mahal niya si Nancy at hindi siya makakarating sa kaniyang kasal.


Tatlong linggong hindi nakapagsulat at nakapagbigay ng istorya si Jerry. Sa loob ng isang linggong iyon ay nagkulong lang siya sa kwarto habang iniisip si Nancy at ang mga posibleng nangyari kung linigawan niya ito. Naisip din niya ng mga dahil kung bakit hindi niya magawang ligawan si Nancy: mayroon pa siyang dalawang kapatid na pinapag-aral; naaalala niya ang kanyang bigong pag-ibig; masyadong malayo ang agwat sa buhay nina Jerry at Nancy.
Nang nagkita muli sina Jerry at ang kanilang barkada, naisipan niyaya nila itong kumain sa labas para malibang si Jerry. Kumain sila sa kanilang dating kinakainan at laking gulat ni Jerry nang nakita niya si Nancy na naghihintay doon. Nalaman din ni Jerry na isang malaking biro lang pala ang lahat ng iyon. Hindi pala ikakasal si Nancy at may gusto din pala si Nancy kay Jerry. Sa wakas ay nasabi din ni Jerry kay Nancy ang tunay niyang nararamdaman at sila ay ikinasal.
Pagsusuri:


Moderno ang istilo ng awtor. Madaling intindihin ang akda ni Edna Diaz dahil simple ang paglalahad ng kwento. Narativ ang uri ng diskors na ginamit ng awtor. Masasabing kolokyal ang ginamit na paraan ng awtor dahil ang lenggwahe ng mga karakter sa kwento ay Tagalog at Ingles. Maayos at tuluy-tuloy naman ang takbo ng kwento. Hindi seryoso ang pagkakasulat sa akda. Halos walang ginamit na konotasyon ang awtor. Iilan lang ang mga tayutay sa buong akda:


Simile:
• Kumbaga natalo ako by default. Kung ihahalimbawa sa larong basketball ay hindi man lang ako nagpunta sa basketball court upang kahit man lang one point ay nakaiskor ako.
• Inihalintulad ko na lamang si Nancy sa kahapong pag-ibig ko.
Pagmamalabis:
• Pero ewan kung bakit para talagang umuurong a ng dila ko basta kaharap ko siya.
• Walang lalaking hindi masaya basta nakakita o nakapanood ng hubad na babae.
• Maraming panahon na gusto ko na yatang sumuko, maraming panahon na gusto ko na yatang lumuha ng dugo.
• Ngunit ang totoo’y pumapalakpak ang tainga ko.
• Lumunok siya ng laway, nakita ko ang pag-alon ng kanyang lalamunan.
• Isipin ko lang na mamaya’y maliligo siya ay nagiging masigla na ang aking pakiramdam sapagkat alam kong uusok na namn sa pag-ibig ang gabi
Nagbanggit din ang awtor ng isang kasabihan: Ang kutsilyo raw, gaano man kapurol, ay nagiging matalim kapag patuloy na inihasa.


Kongklusyon:

Sa opinyon ko, gasgas na ang ganitong klaseng kwento. Madaling hulaan ang mga susunod na mangyayari sa kwento at walang masyadong “twist” ang istorya. Napakadaling hulaan na magkakatuluyan sina Jerry at Nancy dahil tipikal na kwento na ito ng isang torpeng umiibig sa kanyang kaibigan: hindi kayang sabihin ni lalaki ang tunay na nararamdaman at tutulungan siya ng kaniyang mga kaibigan at sa huli’y magkakatuluyan din sila. Hindi din masyadong magagamit ng mambabasa ang kanyang imahinasyon sa kwentong ito dahil kung ano ang isinulat ng awtor ay yun na mismo ang nais niyang ipahayag. Masyadong literal dahil halos walang konotasyon ang buong akda.


Nagkaroon ako ng impresyon na siguro ay hindi na-edit ang akda dahil madami sa mga salita ay mali ang baybay at hindi tama ang paggamit sa mga bantas.

BLOG NAME

KRAYOLA


Hindi na nakakagulat marinig ang mga salitang balbal sa mga pasalitang diskurso. Ang mga Pilipino na yata ang pinakamalikhain sa paggamit at pag-imbento ng mga salita. Bawat grupo sa komunidad ay may kontribusyon sa paglikha ng mga salita sa impormal na paraan. Isa sa mga grupong ito ang nagpakilala sa gay lingo. Ang gay lingo ay ang mga salitang pinauso ng mga homosekswal. Kadalasan, gumagamit sila ng mga salitang Ingles na binibigyan ng ibang kahulugan.


Malaki ang impluwensya ng mga gay lingo o mga salitang bakla sa pagsasalita nating mga Pilipino. Dahil madami ang gumagamit nito, natuto ang karamihan na tanggapin ang gay lingo bilang bahagi ng bokabularyo at gamitin ang mga ito sa pasalita man o pasulat na diskurso.


Ang “krayola” ay isang halimbawa ng salitang binigyan ng ibang kahulugan gamit ang gay lingo. Ang “krayola” ay isang kagamitang maihahalintulad sa lapis, ngunit ito ay makulay at karaniwang gawa sa wax o sa chalk. Kung gagamitin naman ang “krayola” bilang gay lingo, ibang iba ang magiging kahulugan nito. Ang “krayola” kasi bilang gay lingo ay nangangahulugang pag-iyak. Hango ang depinisyong ito sa tunog ng unang apat na letra ng salita. Katunog nito ang salitang Ingles na “cry” na ang ibig sabihin ay iyak.


Kung tutuusin ay napaka ironic ng dalawang kahulugan ng salitang “krayola”, ang isa ay nagbibigay-kulay at ang isa naman ay pag-iyak. Tulad ng marami pang bagay sa mundo, nasa tao na kung ano ba talaga ang kahulugan ng “krayola” para sa kanila.